Palalayain ka ng katotohanan. Ito ay ating madalas sabihin. Hustisya, ang parati nating idinaraing at ipinaglalaban. Halika’t balikan natin ang kasaysayang atin.
Noong una pa ma’y wala ng pagkakaisa … bara-baragay ang sistema. Nagpapalakasan, nagpapagalingan … gustong mahigitan ang isa. Sa pagdating ng mga kastila, tayo’y “binago.” Meron na tayong pamahalaan, pamahalaang ganid, sakim at mapang-api! Indio, illustrado … iisa lamang ang pinagkaiba, ang antas ng pamumuhay. Parehong Pilipino ngunit parehong may hidwaan. Dumating ang mga kano, ngunit isa pa lang malaking kasinungalingan! Akala nati’y darating upang tayo’y tulungan ngunit sa totoo ay binili tayo pagkatapos sa ating tatlong daang taong pagkaapi. Sinakop tayo ng mga Hapon … ngunit di katulad ng mga nauna, tayo’y galit sa ating kapwa Asyano. Bumalik muli ang mga puti at nagbigay “tulong.” Tulong na kapalit ay panghabambuhay ng pagiging tuta ng kanilang bansa.
Tayo nga’y malaya ngunit di tuluyan. Taglay pa rin natin ang pinamanang inggit ng mga ninuno, korapsyon ng mga Kastila at pang-iisa ng mga puti. Masmaganda pa nga ang ibinahagi ng mga Hapon … disiplina, pagmamahal sa bayan at karangalan. Isa tayong malaking kasinungalingan! Sinasabi nating tayo’y malaya ngunit hinahagkan at hinahalikan pa rin natin ang mga paa ng mga mananakop. Nabigo si Simon na lipunin ang mga duwag at magsimula ng bagong dugo. O’ Simon, bumalik ka at ngayong ka kailangan ng bayan mong irog! Tunay ngang palalayain tayo ng katotohanan … ito ang katotohanan ngunit patuloy tayong nagbubulagbulagan, di tayo malaya dahil patuloy pa rin tayong nababalot ng kasinungalingan. Ang mga alipin ay patuloy lamang mag-aanak ng mga alipin! Pilipinas … bansang alipin … bansa ng kaduwagan … bayan … ng kasinungalingan!